karen&sherlyn: dalawang taon nang nawawala by teo marasigan
Dalawang Taon nang Nawawala
23 Ju6e 2008 by kapirasongkritika
Ngayong
araw, dalawang taon nang nawawala sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan,
mga aktibistang estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas na nag-volunteer sa isang organisasyon ng mga magsasaka sa Bulacan at dinukot noong 2006 sa Hagonoy.
Para
sa ating nagagawa ang mga gusto at kailangang gawin, napakabilis lang
ng dalawang taon. Pero para siguro sa kanilang dalawa, napakabagal ng
pagtakbo nito. Ang nakakalungkot, posibleng wala na silang malay ngayon
sa pag-andar ng oras o panahon.
Dumalo
ako kahapon sa “Kalayaan!” – porum ng mga organisasyon at alyansa para
kina Karen at Sherlyn. Linawin natin: Hindi ito parangal, kundi
pagpapatuloy ng pagkondena sa pagdukot sa dalawa ng militar, at ng
pananawagang palayain na sila. Bukod sa mga tagapagsalita ng mga
organisasyon at alyansa, naroon ang mga kasama, kaibigan at kaanak ng
dalawa – tampok sina Nanay Concepcion at Erlinda.
Sa
porum, tumimo sa akin ang magkakaibang pananaw – ng gobyerno sa isang
banda at ng mga kasama, kaibigan at kaanak nina Karen at Sherlyn sa
kabila – sa kung bakit ginawa ng dalawa ang ginawa nila: Tinalikuran
ang relatibong komportableng pamumuhay para sumama sa buhay at paglaban
ng mga magsasaka, tinahak ang landas na hindi sinusuong ng maraming
katulad nilang nakatuntong sa kolehiyo.
Lumilitaw,
sa sinabi ng mga nakakilala kina Karen at Sherlyn, na pareho silang
mapagmahal sa kapwa – iyung nakikita at hindi nila nakikita sa
araw-araw. Mapagkalinga sila sa mga nakatrabaho at mapagmalasakit sa
mga mahihirap. Pareho rin silang matapat at matalas magsabi ng
saloobin. “Nanenermon” si Karen kapag hindi maayos ang mga bagay;
“naniningil” si Sherlyn kapag hindi nagagawa ang mga dapat.
Hindi
man sinabi ng mga nakakilala sa dalawa, naniniwala akong mahalaga ang
mga katangiang ito kung bakit naging aktibista – maalab na aktibista –
ang dalawa. Hindi sapat, pero mainam na panimula sa pag-unawa sa
lipunan at pagsisikap na mag-ambag na baguhin ito. Ginawa nila ang
lohikal na kongklusyon ng kabutihan ng loob nila. Aral ito sa
pagpapalaki ng anak – na sana’y mapulot ng marami.
Sa kabilang banda, sa presentasyon nina Antonio Tinio, tagapangulo ng Alliance of Concerned Teachers, at Ruth Cervantes, public information officer
ng Karapatan, makikita ang pag-unawa ng gobyerno kung bakit nagkaroon
ng Karen, Sherlyn at di na rin mabilang na katulad nila. Tila mga
“prenteng organisasyon,” “mapanlinlang na propaganda,” at “tusong
pagrerekrut” ang paliwanag ng gobyerno.
Kaya
naman ang tugon ng gobyerno: Takutin ang publiko, ang mga hindi
aktibista, na huwag sumali at magpadala. Kaalinsabay nito, dahasin –
ligaligin, patayin, dukutin – ang mga aktibista. Ang miyembro ng
publiko na noong una’y pinag-iingat at iniingatan pa nga raw, kapag
naging aktibista, makakalasap ng dahas. Lumilitaw ang larawan ng isang
gobyernong nanggigiyera sa mismong mga mamamayan nito.
Hindi
tumutugma ang paliwanag na lumilitaw sa mga sinabi ng mga kaibigan at
kaanak nina Karen at Sherlyn sa paliwanag ng gobyerno. Patunay ito ng
hindi pagkakaunawaan, ng batayang pagkakaiba, at ng pagpapatuloy ng
salungatan.
Ang
gusto ng gobyerno: Manatili ang mga tao sa kani-kanilang lugar, makiisa
sa balangkas ng pag-unlad na matagal nang ipinapangako, sumunod sa mga
programa’t patakarang lalo pa ngang nagpapasahol sa lagay ng karaniwang
tao.
Ang
gusto nina Karen, Sherlyn, at ng mga katulad nila: Tunay na pagbabago
at pag-unlad na nakakamit sa aktuwal na pagkilos ng mga tao, at
pagluluklok ng mga programa’t patakarang direktang papakinabangan ng
karaniwang tao.
Dalawang
taon matapos dukutin sina Karen at Sherlyn, nagbabanta ng panibagong
bugso ng pampulitikang pamamaslang at pagdukot ang gobyerno. Dalawang
taon matapos silang mawala, patuloy na lumalaban ang mga kasama,
kaibigan at kaanak nila – nagpaparangal sa kabutihan nila at
namamanatang itutuloy ang laban nila.
Labanan
ito ng mahina at malakas – sa ngayon. Pero hindi maiiwasang tingnan ito
na labanan, higit sa lahat, ng mabuti at masama.
26 Hunyo 2008